Lunes, Marso 5, 2012

Inaasahan Ang Hindi Inaasahan

 Narinig ko sa klase na ang mga Indie Film daw ay bumabasag sa nosyon ng pangkaraniwan na inaasahan sa pelikula. Kung gayon na totoo na lahat ng Indie Film ay talagang ganoon ang layunin, ipakita sa manunuod ang hindi nila inaasahan, parang nagkakaroon na rin ng pamantayan kung ano ang pinagkaiba ng Indie Film at ang "Mainstream" Film. Nagkakaroon na ng diperensasiyon sa pagitan ng Indie Films at Mainstream Films.

 Paano na lamang kung lahat ng manunuod ay malay sa diperensasiyong ito? Masasabi ba na sulit ang kanilang binayad sa sinehan kapag ang Mainstream Film na pinanuod nila ay naaayon sa kung ano ang dapat nilang asahan sa nakasanayang mga palabas? At dapat ba na malugod sila kapag ang Indie Film na pinanuod nila ay nagpakita ng mga eksenang lubos na hindi inaasahan ng manunuod na parang sila'y magugulat ng husto dahil bago at kakaiba ang mga pangyayari na hindi pa nila napapanuod sa Mainstream Films?

 Para mas maging malinaw pa ang gusto kong ipahiwatig sa mga isinulat kong mga tanong sa itaas na bunga ng aking pagmumuni-muni, maglalatag ako ng halimbawa na makakatulong sa pagbibigay ng ideya kung anong imahen ang nasa aking isipan kaya ko naitanong ang mga katanungan iyon.

 Ang mga manunuod na palaging Mainstream Film na lang ang pinapanuod sa mga sinehan ay mayroong batayan kung ano ang magandang pelikula sa kanila; mas madaling hulaan kung ano ang mga susunod na pangyayari o kaya nama'y mas inaasahan na ang mga pangyayari, mas maganda ang pelikula. 

 Kung ganito ang kaso ng pamantayan ng kagandahan ng Mainstream Film, paano naman ang kaso ng mga manunuod na palaging Indie Film ang pinapanuod? Ano ang kanilang batayan sa pagtantiya ng kagandahan ng isang Indie Film? Mas maganda ba ang Indie Film kapag binabasag nito ang nosyon ng pangkaraniwan? Paano na lamang kung ang manunuod ay palaging Indie Film ang napapanuod? At sa palaging panunuod ng Indie Film ay nagiging pangkaraniwan na sa kanila ang mga pangyayari sa Indie Films pero alam nilang Indie Film pa rin ang kanilang pinapanuod at hindi Mainstream Film. Nagkakaroon na ng aasahan sa mga susunod na beses na panunuod ng Indie Film, dapat ay hindi inaasahan ang mga pangyayari para masabing tunay na Indie Film nga ang pinanuod.

 Kung gayon, sa susunod na manunuod ng Indie Film ang isang manunuod na palaging Indie Film na lang ang natutunghayan, aasahan na niya ang mga pangyayaring hindi niya inaasahan. Aasahan mo ang hindi mo inaasahan? Ano iyon, kalokohan?

1 komento:

  1. Palitan ang salitang "diperensasiyon." Tungkol sa iyong argumento, totoong sa isang banda'y maaaring sabihin na iyon ang layunin ng maraming indie film, subalit mapanganib din ang maging mapanlahat. At kung layunin mang maiba sa "mainstream," alalahaning walang iisang mukha ang kaibahan kaya't ang mga iba sa mainstream ay maaari pa ring magkaroon ng iba't ibang mukha.

    TumugonBurahin