Huwebes, Marso 8, 2012

Kakaibang Sakit

Acute Parentitis
 - Labis na pagbabantay at pag-aalaga ng magulang kahit high school na ang anak.
 - Sintomas: Sa pagpasok sa eskuwela, binabantayan pa ng magulang ang kanyang anak hanggang oras na ng uwian. Tuwing oras ng P.E., binabantayan ng magulang ang anak at kung may mang-aaway sa anak ay susuwayin ng magulang ang nang-aaway sa anak niya pagkatapos ay pagagalitan o kaya naman ay pupunasan ang pawis ng anak habang nakikipaglaro pa ang anak sa kanyang mga kaklase.

Chronic Biagetes - naaangkop lamang ito sa mga lalaki
 - Madalas na pangangati ng bayag.
 - Sintomas: Palagiang pagpapasok ng kamay sa loob ng pantalon o salawal, karaniwang sa harap na bahagi ng pantalon o salawal ipinapasok ang kamay at kapag malala na (AcuteBiagetes) ay parehas na kamay na ang ipinapasok. At habang ipinapasok ang kamay, gumagawa ng facial expression na wari'y nasasarapan sa ginagawa.

Acute Bulbolitis - naaangkop lamang ito sa mga lalaki
 - Matinding pananakit ng ari ng lalaki dahil sa pagsabit ng bulbol sa ari.
 - Sintomas: Palagiang pagpapasok ng kamay sa loob ng pantalon o salawal, karaniwang sa harap na bahagi ng pantalon o salawal ipinapasok ang kamay. At habang ipinapasok ang kamay, makikita sa mukha ang pagngiwi na wari'y may kung anong tinatanggal sa pantalon o salawal.

 Ang mga konsepto na isinulat ko sa itaas ay ilan lamang sa mga naaalala kong mga inimbentong konsepto ng kung anu-anong mga gawain na nilapatan namin ng mga unlaping madalas ginagamit na kadugtong ng mga terminong medikal. Ang mga konseptong ito'y kasama sa lipon ng mga salitang binigyang kahulugan ng grupo ng mga kaibigan ko noong ako'y high school pa lamang. Ang mga salitang tulad nito'y sadyang ginagamit namin na pang tukoy sa mga gawain o bagay-bagay na gusto namin na tanging kami lamang ang nakakaintindi, iyong tipong parang lengguwahe na masasabi namin na kami ang nagpasimula.

 Tulad din ng code na ginagamit ng mga bakla, bansag na eksklusibong silang mga bakla ang madalas na gumagamit ng mga salitang nakapaloob sa code na iyon tulad na lamang ng mga salitang chorva, chenes, cheber, kyeme, at kung anu-ano pang mga salitang kakaiba sa pandinig ng mga taong hindi nakakaalam ng tungkol sa code na iyon.

 Naalala ko lamang muli ang tungkol dito dahil naalala ko ang isa sa mga konseptong napag-usapan sa aking elective class, klase tungkol sa mga teoryang ginagamit sa art. Ang konseptong naka pag paalala sa akin ng tungkol sa mga kakaibang sakit na isinulat ko sa itaas ay ang tungkol sa code. Naalala ko ang tungkol sa code dahil kaugnay ito sa diskusyon noon sa aking art class na tungkol sa mga bahagi ng salita na ginagamit bilang senyas, ang signifier at ang signified, na tinalakay naman sa klase ni Sir Samar.

Miyerkules, Marso 7, 2012

Alaala, Mas Pinahahalagahan Kapag Wala Na

 Nabanggit sa klase ang tungkol sa kaligayahan, mas napapansin o naaalala raw ito kapag ito'y wala na. Kapag masaya ka naman daw ay hindi mo pinapansin ang iyong kasiyahan pero pag lumisan ito, bigla mo itong ma-mimiss.

 Tama nga naman, ang mga tao't bagay na naririto pa at nagpapasaya sa atin ay hindi natin pinapansin ang presensya. Ngunit kapag ang mga ito'y nawala na, saka lang natin naiisip kung gaano kahalaga sa atin ang presensya nila sa ating buhay. Ika nga ng iba, absence makes the heart grow fonder.

 Tulad na lamang ng mga mahal natin sa buhay, mga kapamilya, o kaya nama'y alagang hayop; hindi natin pinagtutuunan ng pansin o importansya ang kanilang presensya. Pero kapag iniwan na nila tayo o kaya nama'y namatay na sila, saka lamang tayo nakararamdam ng matinding kalungkutan sa pagkawala nila at biglang sasagi na lamang sa ating isipan ang kahalagahan nila sa atin.

Ang saya-saya ko dati at laging kang nakakasama,
Lagi na lang sa aking paggising ay katabi kita sa kama,
Alam ko'y dapat narito ka, bakit ngayo'y biglang nawala ka?
Asan ka na ba? Ako tuloy ay nangangamba,
Lingid sa kaalaman ko'y may iba ka na palang kapiling,
Ano't kanina pa kita tinatawagan hindi ka kumikiriring.

Maaga pa lang kinuha ka na pala ng kapatid ko sa akin,
O iPad ko, buti't hindi ka niya inangkin.

 Maaari rin nga pala na maramdaman din ito kahit na hindi buhay ang nawala sa iyo, siguro'y sobrang halaga ng bagay na ito para sa iyo kaya pangangamba ang naramdaman mo nang mawala ito sa iyo. Ang apisyon naman kasi ay karaniwang nabubuo sa pamamagitan ng attachment ng tao sa kung anumang importante sa kanya, lalo na kung bigla niyang matutuklasan na nawawala na pala ang bagay na ito.

Chongkee, Where Are You?

 Narinig ko sa isang akda na ginamit para sa panalangin ang salitang chongki o chongkee o kung anuman ang ispeling noon, basta tyongki ang tunog kapag sinasambit, parehas lang iyon. 

 Naalala ko na ito nga pala ay isa sa mga tawag sa ilegal na droga  na mas kilala bilang marijuana. Ang pag gamit daw ng marijuana ay nakakaadik, sasaya ka daw kasi ng todo kapag gumamit ka nito. Tatakaw ka rin daw ng panandalian, kaya siguro nasabi nilang nakakataba ito.

 Aking naisip na kung hindi mo alam na ito'y isa sa mga iba pang pangalan ng marijuana, maaari mong isipin na ito'y ginagamit na pang tawag sa isang kaibagan o kabarkada. Halimbawa, nakita mo ang iyong kaibigan sa malayo tapos bigla kayong nagkatinginan; pwedeng magamit ang chongkee para batiin ang kaibigang ito: "Oy! Kamusta na chongkee?" Halos parehas lang naman ito sa paggamit ng "Chong", "Brad", "Dre", at "Pare" na ginagamit din na pang tawag sa kaibigan. Nabuo ang kahulugan ng salita ayon sa kagustuhan ng mga unang gumamit nito, sila ang nagbigay kahulugan. 

 Kung gayon, maaari rin pala tayong magbigay ng kahulugan sa isang salita na maaaring may ibang kahulugan na o maaaring hindi pa nagagamit basta marami ang papayag sa sabuwatang ito. Pwede nating gamitin ang "Chongkee" bilang pang tawag sa ating mga mahal sa buhay. Hindi natin alam pero baka magkataong makasanayan na rin gamitin ang Chongkee bilang pang tawag sa mga mahal natin sa buhay paglipas ng ilang taon.

Chongkee, bumalik ka na sana,
Hinahanap-hanap ko ang sayang dulot mo.
O bakit naman kasi lumisan ka na?
Namimiss ko nanaman ang amoy mo.
Gumigising sa umaga at ikaw ang naaalala,
Kagabi kasi akala ko'y ikaw ang nakasama.
Ewan ko ba kung bakit di ka maalis sa isipan,
Every time na naaalala kita, bumabalik ang aking kalungkutan.

Ibig ko sana'y makapiling ka ulit,
Sa harap ng maraming tao, promise ko'y hindi ka ipagpapalit.

Lubos ang ligaya tuwing iyong sasamahan,
Overdose na ako sayo kaya lumalabas na ang aking kabaliwan.
Very much appreciated kung ika'y magmumura,
Every time kasi na kasama kita ay nauubusan ako ng pera.

Halos ilang buwan na rin tayong hindi nagkikita,
Alaala ng aking mga nakita'y kilala pa rin ng aking mga mata.
Husto-husto kasi ang husay mo para ako'y mapasaya,
Adiksyon ko sayo, hindi pa rin ako makalaya.

Martes, Marso 6, 2012

Honda Jazz, Suzuki Swift

 Isang araw sa klase, nagkaroon ng diskusyon tungkol sa kapitalismo. Mayroon daw mga ideya na kaugnay ng layunin ng kapitalismo, ang pagpapahalaga sa tubo at demokrasyang liberal na nagbibigay ng ilusyon na mayroong malayang pagpili o pluralismo.

 Patuloy na nagbabago ang mundo; tumatanda ang mga tao, nag-iiba ang kulay ng buhok, nagbabago ang panahon, at kung anu-ano pang mga bagay-bagay na patuloy ang pagbabago. Pati kapitalismo ay naapektuhan na rin ng maraming pagbabagong ito sa mundo.

 Sumailalim sa maraming ebolusyon ang maraming aspeto ng buhay dahil sa mga pagbabago, marahil epekto ito ng matinding pag-unlad sa agham at teknoklohiya na dulot ng globalisasyon.

 Isang halimbawa ng mga pagbabagong ito ay pag-unlad sa pagtitinda, partikular na ang paglalako ng paninda. Nag-iba na ang mga paraan na ginamit sa paglalako, isa dito ay ang pagkakaroon ng mga traveling salesman, ang nagtitinda na ang naghahanap at nagpupunta sa mga mamimili. Nagbago na rin ito at naging mobile stalls na, mga tindahang may mga gulong na maaaring dalhin sa kung saan-saan. Napansin ko, parang nagpapatuloy pa rin ang ebolusyon ng paraan ng paglalako dahil isang araw ay may napansin akong kakaiba, sasakyan na ang ginagamit sa paglalako na para bang nag-evolve lang na mobile stall - ginagamitan na ng gasolina. Ako'y biglang napaisip muli, ano na kaya ang susunod sa tindahang sasakyan? Tindahang lumilipad na kaya? Ewan, siguro ay paglipad na nga ang susunod na magdadala ng pagbabago.

Bag, wallet, pabango, at iba pa,
Ito ang aking mga paninda,
Lapit na dito para makapili ka,
Iba't-ibang branded items yan, mura pa.

Napakahirap magbenta, maghapon nakatambay,
Araw na nakatirik, ilang oras nang nagbabantay.

Sapat lang ang kinikita, may pambili pa ng gas,
Ubos na pala aking pera, bibili pa ng gatas,
Kotseng maliit aking partner, pagtitinda'y pinapadali,
Ihinataw ko ng siyento bente, namataan ng pulis kaya nagmadali.






Pakiusap

 Narinig ko sa klase ang tungkol sa mga salita, napaisip ako bigla tungkol sa mga pinag-aralan namin noon sa aming klase sa Communication11. Naalala ko ang dalawang paraan ng pagpapahayag ng mensahe. Ang una ay ang direktang pagpapahayag, at ang ikalawa naman ay sa pamamagitan ng pagpapahiwatig.

 Dahil patapos na ang semestre at ito na ang huling klase ko sa Filipino, gagawa ako ng isang tula na direktang nagpapahayag ng aking pakiusap. Sana po ay makuha ninyo ng malinaw ang mensaheng ipapahayag ko, nakakubli man ang mensaheng ito'y direkta pa rin naman sa punto.

Parang sadyang mahirap, kay babaw ng aking pangarap,
Lumikha ng magandang entri para sa journal, na sana ang paggawa ay hindi matumal,
Ubos na ang ideya para may ma-isyu, parang tinatakasan na tuloy ako ng aking espiritu,
Sakit sa ulo ang dulot kapag minamalas, lalo na kapag ang plus one ay hindi madalas.

Overdose yata sa kape ang mapapala ko, bakit kasi hindi nakakagising ang buko,
Nakamulat at nag-iisip ng ilalaman, pagsusulat ay abot hatinggabi nanaman,
Eksaktong pagod na ulit at wala na talagang masabi, tigang na nga yata ang aking kukote.

Pilit pa rin akong nag-iisip, habang ang ice-cold coffee ay sa straw sinisipsip,
O bakit parang bumagyo, ang kape't oras ko ay naubos na sa iyo.

Parang paglubog ng araw pailalim sa mga ulap, mga ideya yata ay magtatago na't magiging mailap,
Lintik na utak ito mayroon atang pumipigil, hindi na ata gumagana kaya sobrang nakakagigil,
Eeskapo sa antok tuwing gabi, umaasang kakayanin pa ito ng kape,
Asa to the max na magigising pa, lalo na't ang kama ko ay nagtatawag na,
Sa ipapasa kong ito'y isa lang ang hiling sa itaas, sana naman milagro ay ipamalas,
Entri kong ito na ipinuhunan ay kape, makatanggap sana ng plus one para sulit ang ilang baso't tasa ng Nescafe.

Lunes, Marso 5, 2012

Proyektong Postmoderno

 Sabi sa klase, ang postmoderno raw ay mas nagbibigay tuon sa karanasan kung paano ginawa ang isang likha at hindi dahil sa ibig sabihin ng likha. Kung gayon, maaaring bigyang pagpapahalaha ang isang likhang walang kwenta pero sobrang kakaiba naman ng karanasan sa likod ng pag gawa nito o ang mismong paraan ng pag gawa nito.

 Bigla na lang akong nagkaroon ng ideya kung papaano ako maaaring makagawa ng sariling proyektong postmoderno. Naiisip ko ang isang social experiment na kung saan isasapelikula ang reaksiyon ng mga manunuod kapag ang pangkaraniwang panunuod lang sana nila ay mag-iiba ng lubos na parang ginagago na sila, siyempre ibabalik ang kanilang ibinayad at ipapaliwanag kung bakit ginawa ang pag gago sa kanila.

 Ito ang plano:

 Paano na lamang kung biglang Indie Film na ang ipapalabas sa sinehan imbes na Enteng Kabisote dapat mapapanood? Parehas pa rin ang mga artista na gaganap ng kani-kanilang mga role pero iba na ang production team na mamamahala sa pelikula, film majors na galing UP na ang mamamahala imbes na ang mga karaniwang gumagawa ng pelikula. Matutunghayan ng mga manunuod ang isang pelikulang low-budget, kung may special effects man na ilalagay ay mababa lamang ang kalidad nito, iba na ang galaw ng istorya, at kung ano pa man na mga pagbabagong hindi inaasahan ng mga manunuod.

  • Imbes na laban sa pagitan ng kabutihan at kasamaan, lahat ng naglalaban ay masasama lahat: Ang pamilya ni Enteng Kabisote na naging mga terorista laban sa mga dating diwata na naging mga masasamang loob na lamang, at hindi talaga laban na pisikal kundi kompetisyon na lamang kung sino ang mas magaling na masamang loob sa dalawang panig.
  • Ang pelikula ay open-ended, bigla na lamang puputulin ang eksena kung saan hindi pa nalalaman kung sino ang nananalo sa kompetisyon at lalabas na lamang sa telon ang mga katagang "Tapos na ang palabas, maaari na kayong tumayo at lumayos sa inyong kinatatayuan."
 Kung papayag ang mga artista na gaganap sa Enteng Kabisote pati na rin ang mga kaibigan ko na film majors sa UP, maaaring maging posible ang proyektong ito. Makakagawa na ako ng isang proyektong walang kwenta sa mata ng makakakita nito ngunit may nakakatuwang alaala naman na maiiwan sa mga kasama sa pag gawa nito. 

 Ang saya siguro gawin nito?

Inaasahan Ang Hindi Inaasahan

 Narinig ko sa klase na ang mga Indie Film daw ay bumabasag sa nosyon ng pangkaraniwan na inaasahan sa pelikula. Kung gayon na totoo na lahat ng Indie Film ay talagang ganoon ang layunin, ipakita sa manunuod ang hindi nila inaasahan, parang nagkakaroon na rin ng pamantayan kung ano ang pinagkaiba ng Indie Film at ang "Mainstream" Film. Nagkakaroon na ng diperensasiyon sa pagitan ng Indie Films at Mainstream Films.

 Paano na lamang kung lahat ng manunuod ay malay sa diperensasiyong ito? Masasabi ba na sulit ang kanilang binayad sa sinehan kapag ang Mainstream Film na pinanuod nila ay naaayon sa kung ano ang dapat nilang asahan sa nakasanayang mga palabas? At dapat ba na malugod sila kapag ang Indie Film na pinanuod nila ay nagpakita ng mga eksenang lubos na hindi inaasahan ng manunuod na parang sila'y magugulat ng husto dahil bago at kakaiba ang mga pangyayari na hindi pa nila napapanuod sa Mainstream Films?

 Para mas maging malinaw pa ang gusto kong ipahiwatig sa mga isinulat kong mga tanong sa itaas na bunga ng aking pagmumuni-muni, maglalatag ako ng halimbawa na makakatulong sa pagbibigay ng ideya kung anong imahen ang nasa aking isipan kaya ko naitanong ang mga katanungan iyon.

 Ang mga manunuod na palaging Mainstream Film na lang ang pinapanuod sa mga sinehan ay mayroong batayan kung ano ang magandang pelikula sa kanila; mas madaling hulaan kung ano ang mga susunod na pangyayari o kaya nama'y mas inaasahan na ang mga pangyayari, mas maganda ang pelikula. 

 Kung ganito ang kaso ng pamantayan ng kagandahan ng Mainstream Film, paano naman ang kaso ng mga manunuod na palaging Indie Film ang pinapanuod? Ano ang kanilang batayan sa pagtantiya ng kagandahan ng isang Indie Film? Mas maganda ba ang Indie Film kapag binabasag nito ang nosyon ng pangkaraniwan? Paano na lamang kung ang manunuod ay palaging Indie Film ang napapanuod? At sa palaging panunuod ng Indie Film ay nagiging pangkaraniwan na sa kanila ang mga pangyayari sa Indie Films pero alam nilang Indie Film pa rin ang kanilang pinapanuod at hindi Mainstream Film. Nagkakaroon na ng aasahan sa mga susunod na beses na panunuod ng Indie Film, dapat ay hindi inaasahan ang mga pangyayari para masabing tunay na Indie Film nga ang pinanuod.

 Kung gayon, sa susunod na manunuod ng Indie Film ang isang manunuod na palaging Indie Film na lang ang natutunghayan, aasahan na niya ang mga pangyayaring hindi niya inaasahan. Aasahan mo ang hindi mo inaasahan? Ano iyon, kalokohan?

Miyerkules, Pebrero 29, 2012

Ang Telebisyon at Mga Tambay

 Maraming Pilipino ngayon ang walang trabaho. Maaaring dahil hindi sila nakapagtapos o hindi makahanap ng trabaho. Karamihan sa mga Pinoy na walang trabaho'y madalas nating makikita na nakatambay sa kung saan-saan: sa kalsada, binubungang palaruan, tapat ng tindahan, at sa kanilang mga bahay.

 Todo depensa pa ang ibang tambay kung bakit sila nakatambay na lamang at hindi na naghahanap ng trabaho. “Tambay by choice” ang dahilang sinabi ng karamihan. Ang iba nama'y naniniwala nga talaga sa mga kasabihang pabiro, tulad ng "buti na ang tamad kaysa pagod.”

 Ang iba nama'y tanggap na ang naging kapalaran nila: sawi sa paghahanap ng trabaho. Kain-tulog-tambay na raw ang nagiging gawain nila sa araw-araw. Malaking bahagi raw ng pagtatambay nila ang panonood maghapon ng iba't-ibang teleserye na kahit na paulit-ulit na raw ay hindi pa rin sila nagsasawa sa panonood. Habang nanonood daw sila sa telebisyon, nakakalimutan daw nila ang kani-kanilang kasawiang nag-uugat sa kawalan nila ng trabaho. Nagmimistulang pampalimot ang panonood ng telebisyon sa maraming problema sa buhay na dapat ay ginagawan nila ng paraan, imbes na tumunganga na lamang nang maghapon sa harap ng telebisyon. Kung ang ibang tambay sa kalsada ay nalilimutan ang problema nila sa pamamagitan ng pag-inom ng gin, ang mga wala namang pera'y kontento na sa panonood lamang ng mga palabas, kahit na hindi nila gusto ang kanilang pinapanood. 

Tambay, 
Ano na ang plano mo sa buhay? 
May balak ka pa bang magtrabaho? 
Bored ka na siguro, iho? 
Ang dami mong sinayang na oras, 
'Yan nanaman ang gagawin mo hanggang bukas. 

Ano na, pareng tambay?
Tatanda ka na lang ba nang walang saysay?

Telebisyon,
Eksperto ka na ba sa pagpapalit ng istasyon?
Lipat dito, lipat doon,
Ebidensya ng hindi mabihag na atensyon,
Bwisit na bwisit na ang nanay mo,
Ilang taon ka na kasing walang amo,
Sa bahay ka na lamang nalalagi,
'Yan ang ebidensya na hindi ka nagwagi,
Olats ka sa laban ng buhay,
Namumuti na ang buhok mo'y wala ka pa ring saysay.

Martes, Pebrero 28, 2012

Tangina, Sinabi Nang Bawal Magmura

 Ano ba ang problema sa pagmumura? Bakit ba naiilang ang ibang tao kapag nakakarinig ng mga nagmumura? Mga napapangiwi, mga nakakaramdam ng kaasiwaan: ano ba ang mayroon sa kanila kaya ganito ang kanilang nagiging reaksyon sa pagmumura?


 Mga tanong ito na umaandar sa isipan ng isang batang lumaki sa kalsada. Maaaring tanong din ito ng isang batang lumaki sa lugar ng iskwater. Marahil siguro'y parte na ng buhay nila ang nagsisilutungang pagmumura ng sangkatauhang nakapaligid sa kanila: nanay, tatay, ate, kuya, nakababatang kapatid, mga kalaro, mga tambay sa kalsada, mga taong hindi nila kilala pero madalas nilang makita, at kung sinu-sino pa na nakikita nila sa bawat lugar na pinupuntahan nila.

  
 *Sa isang silid-aralan sa isang pampublikong paaralan sa kung saan mang depressed area 

(Maingay ang mga estudyante nang biglang pumasok ang kanilang guro.) 
Guro: Mga bata, nagawa niyo na ba ang homework niyo?  Ang hindi nakagawa ng homework hindi sasama sa fieldtrip. 
(Biglang may isang estudyanteng napamura.) 
Kaloy: PUTANGINA! Nasaan na iyong homework ko? Sino iyong huling humiram? 
(Tumahimik ang lahat, tapos biglang umingay ulit.) 
Guro: Hoy bata ka, diba sinabi ko noon pa na bawal magmura... 
Buong klase: …kasi masama ang magmura (pagkatapos ay nagtawanan ang mga bata.) 
Guro: E alam niyo naman pala iyon e, bakit nag mura ka pa ha? 
Kaloy: Kasi po, nandito lang po talaga iyon kanina. May humiram lang po kanina para mangopya tapos hindi na bumalik sa akin. 
Guro: Kanino mo ba huling pinahiram? 
Kaloy: Sa pagkakaalala ko po, kay Netoy ata. 
(Biglang sumagot si Netoy.) 
Netoy: Hoy PAKYU ka, wala sakin iyon ha. Binalik ko kaagad pagkatapos kong kopyahin, mali-mali pa nga iyong ibang sagot mo e. 
Kaloy: PAKYU ka rin ULOL! E  bakit wala iyon dito? Kung sinauli mo dapat andito lang iyon. Sino ba talaga kumuha noon? 
Netoy: Aba, ewan ko. Malamang si Kokoy nanaman kumuha noon. Siya lang madalas nangongopya na parang ninja e, hindi nagpapahalatang siya ang nangunguha ng mga homework para mangopya. 
Guro: Mga bata, kung hindi niyo iyon ilalabas, hindi makakasama lahat ng nangopya sa homework ni  Kaloy. Alam ko naman na halos lahat ng homework niyo ay kay Kaloy nanggaling. 
(Namutiktik ng mura sa loob ng silid-aralan, lahat minumura na si Kokoy.) 
(Wala pala si Kokoy sa loob ng silid-aralan, walang nakakaalam kung saan siya nagpunta.) 
(Napamura ng malakas ang isa sa mga bata.) 
Estudyante1: PUTANGINANG yan, wala naman pala dito si Kokoy e. Absent ata, PUTA naman o. 
(Nagsisilutungan nanaman ang mga murang nanggagaling sa mga bibig ng mga bata ang nangingibabaw sa silid-aralan.) 
(PUTANGINA, TANGINA, GAGO, ULOL, PUTA , at kung anu-ano pang mura ang lumalabas sa mga bibig ng mga paslit na hindi na malaman kung kanino hahanapin ang homework para lang makasama ang lahat ng nangopya sa fieldtrip nila.) 
Guro: PUTANGINA ninyong lahat, magsitahimik na kayo. Para walang gulo, pakopyahin niyo nalang itong si Kaloy ng homework niyo. Mga PUNYETANG bata 'to. (sabay labas ng guro sa silid-aralan) 
(Nagtawanan lang ang mga bata, pinakopya nalang nila si Kaloy. Matutuloy na ang kanilang fieldtrip. Wala silang pakialam kung ano na ang nangyari sa kanilang guro, ang mahalaga lang ay may homework na ulit si Kaloy.) 

 Kung ang kuwentong ito'y nagsimula sa ibang lugar na malayo ang estado sa pagiging depressed, hindi sa ganitong paraan magtatapos ang kuwento. Siguro'y mapapagalitan si Kaloy sa umpisa pa lamang dahil sa pagmumura nito. Hindi natin masisigurong ganito nga ang mangyayari ngunit mataas ang posibilidad na ganoon nga ang kahahantungan ng kuwento. 

Hindi na sana dumami ang beses ng pagmumura ng mga bata. Hindi na sana nagkagulo na tulad ng nangyari sa kuwento. At, hindi na rin sana nagmura ang guro sa harap ng kaniyang mga estudyante.

Lunes, Pebrero 20, 2012

Kamatayan: Depresyon

 Nakamamatay ang depresyon, sadyang hindi natin ito maiiwasan. Unti-unti nitong pinapatay ang isang indibidwal sa anumang paraan. Hindi man diretsong nagdudulot ng kamatayan, nagbubunga pa rin ng iba't ibang dahilan na nauuwi't nauuwi rin sa kamatayan. Pinapasok nito ang isipan tao at hindi ito tinatantanan. Minsan pa nga'y umaabot sa puntong tinatakasan na ng bait ang mga taong depressed. Mga taong grasang nagsasalita mag-isa, mga nabaliw dahil nawalan na ng pag-asa. Maaaring dahil sa gutom kaya sila nabaliw, pero maaari rin naman na dahil sa matinding kalungkutan. Ewan, siguro marami pang ibang dahilan. Pero kahit ano pa man iyon, masyado talagang masalimuot ang kinahantungan nila.

Depresyon,
Kalaban ng nasyon,
Emosyonal o pang-ekonomiya,
Tagapaslang ng saya.

Kalungkutan,
Supling ng kasamaan,
Pakiramdam na napakabigat,
Iiwanan kang laging naka mulat.

Kahirapan,
Supling ng kasakiman,
Panggastos ay di sapat,
Isip ng isip kaya payat.

Depresyon,
Kalungkutan at kahirapan ang panglason,
Estadong kasing pait ng ampalaya,
Tumatapos ng buhay na pinagbawalan ng ligaya.


Linggo, Pebrero 19, 2012

Maria Clara Ngayon

Malilibog din pala ang mga babae. Pero sa tinagal-tagal ng panahong lumipas, mas litaw o lantad pa rin ang kalibugan ng mga lalaki kumpara sa mga babae.

Tama nga, malibog din sila - tinatago nga lang nila. Mas conscious lang talaga ang mga babae sa mga sinasabi ng ibang tao sa kanila kaya siguro hindi sila lantaran na nag uusap tungkol sa mga panatasya nila kapag may mga lalaki sa paligid, malamang dahil huhusgahan kaagad-agad sila. Nasa loob ang kulo, sabi nga ng iba. May kaugnayan nga rin siguro ang mga umiiral na paniniwala sa lipunan na ang mga babae ay dapat umasal ng naaayon sa batayan ng lipunan ng tamang ugali ng babae. Pero habang lumilipas ang panahon, unti-unting lumalaya ang kababaihan sa construct na ito - nagiging liberal na ang kanilang pag-iisip dulot ng mabilis na globalisasyon.

Madalas puro babae ang nakakasama ko kapag wala akong ibang ginagawa, nakikinig lang ako sa mga pinag-uusapan nila kasi malamang ay hindi ako masyadong nakaka-relate - usapang babae kasi lagi. Karaniwang pinag-uusapan nila ay ang mga TV series, mga relasyon sa lalaki, at iba pang bagay basta may mapagusapan lang. At ang medyo nakakabobong pinag-uusapan nila, ang mga pantasya nila - mga maaaring ebidensya ng kalibugan na nakatago sa kanilang maaamong mukha.

Isang beses nakikinig ako sa mga pinag-uusapan ng mga kaibigan kong babae, biglang nagkwento si Lisa(hindi tunay na pangalan) tungkol sa kanyang pagpapantasya kay David Beckham. Noong una, nagkwento lang siya tungkol sa kung gaano niya pinapangarap na mahawakan ang abs ni Beckham. Tapos biglang humirit iyong isa ko pang kaibigan, Mari(hindi rin tunay na pangalan), na pano raw kung biglang ma-rape siya ni Beckham pag nakahawak na raw si Lisa sa abs nito. Hanggang sa umusad pa ng umusad ang kanilang kwentuhan ng pantasya sa mas detalyadong mga gagawin daw ni Lisa kay Beckham kung sakali nga raw na ma-rape siya o mag-sex sila. Hindi ko na masyadong pinakikinggan ang usapan nila pero may isang parte pa akong naaalala. Gusto daw niyang madilaan si Beckham mula leeg pababa. Nagtanong si Mari kung hanggang saan daw niya ito didilaan. Sagot kaagad ni Lisa "Alam mo na yan". Tapos bigla na lang silang nag hagikhikan na parang ewan. Kaya mula sa usapan nilang ito, naisip ko na madalas silang nag-uusap ng tungkol sa mga ganitong bagay dahil sabi nga ni Lisa na alam na ni Mari iyon.

May isang beses rin na nakarinig naman ako ng mga kung anu-anong pinag-uusapan ng mga babaeng high school students doon sa KFC. Nagkukwentuhan sila tungkol doon sa mga lalaking gusto nila. Sabi ng isang babae nag overnight daw sila doon sa bahay ng isa sa mga lalaking gustong-gusto raw niya. Nag-inuman daw sila, at nang nakatulog na raw itong lalaking gusto niya, hinawakan daw niya ang dibdib nito. "Ang hot niya talaga, as in literal na hot ha, ang init-init ng katawan niya while sleeping." sabi ng babaeng nagkukwento. At sabi pa niya, sisilipin niya sana kung gaano kalaki iyong ari noong lalaki kaso nga lang ay nakakahiya raw dahil baka makita raw siya nung iba pang gising. Hindi ko na natapos pakinggan ang kanyang kwento dahil umalis na kami ng aking mga kasama.

Nag-iba na nga talaga ang mga babae. Ang sinasabi ng mga matatanda na kasing hinhin, at tahimik ni Maria Clara ay nagbago na. Naging mga manyak at malilibog na sila ngayon. Ang dating Maria Clara na kapag biniro mo ay ngingitian ka na lamang tapos magtatakip ng kanyang pamaypay, ngayo'y sasagutin ka pa ng "Tumahimik ka nga diyan, chupain kita diyan e!"

Lunes, Enero 23, 2012

R.I.P.


  Nakakatuwa panuorin ang dulang R.I.P. ni Severino Reyes, sadyang hindi ko inaasahang ganoon akong masisiyahan sa panunuod ko nito. Bakit nga ba ako natuwa sa panunuod nito? Malamang dahil sadyang sobrang nakakatawa nga talaga ang mga linyang binibitiwan ng mga aktor, isabay pa ang mga paghalinghing at mga ungol (may mga sekswal na konotasyon ang karamihan) na maganda ang "comedic timing". Nadala nila ng maayos ang mga manood, at ginantihan naman sila ng malakas na tawanan at halakhakan. Pilit kong pinipigil ang akin pagtawa habang nanonood ng dula dahil nakakahiya naman sa ibang manonood pero noong magsimula na rin magsitawanan ang mga katabi ko (halos halakhak na nga ang sa iba), nakitawa na rin ako ng malakas.


 Pilit na ngayong pinaglalaanan ng pansin ang pagbibigay kasiyahan sa mga manunuod imbes na itanghal ang mga dula ng walang halong karagdagang pagpapatawang parang hindi naman naaayon sa kwento.

 Bakit nga ba pinipili ng mga direktor, lalo na sa panahon ngayon, na gawing mas nakakatawa ang karamihan sa mga dulang ipinalalabas nila? Hindi ba puwedeng katulad na lamang ng dati ang mga ito, iyong mga tipong seryoso at mas nakasentro sa kwento at mensahe umiikot ang dula. Bakit nga ba? Bakit?

 Kung iisipin kasi natin, para bang nasasapawan na ng pagpapatawa ang mismong daloy ng kwento ng dula - na baka kalaunan ay hindi na mapansin ng manunuod na maaaring magdulot pa sa kanila ng pagkalito sa pag intindi ng kwento. Tulad na lamang ng nagyari sa R.I.P., sobrang haba ng mga eksenang pinamudmuran na ng elemento ng pagbibigay aliw at sunod-sunod pa ang karamihan dito. Tapos bigla na lamang sisingit ang seryosong eksena kung saan wari mo'y nagbago ang lahat, nawala na ang saya, wala na ang tawanan, ang kakulitan at ang kung anu-ano pa man na nagpapasaya sa mga manunuod.

 Siguro kaya nila nilalagyan ng higit na mga nakakatawang eksena ang mga dulang tulad ng R.I.P. ay dahil sa medyo seryoso nga talaga ang tunay na kwentong napaloloob dito. Baka nga naman mawalan ng gana ang mga manonood kung puro seryosong pangyayari na lamang ang matutunghayan nila. Masyado na nga namang maiksi ang attention span ng mga tao sa panahon ngayon, baka makatulog na lang sila kapag walang bagay na makapupukaw ng kanilang attention - tulad ng mga nakakatawang mga linya at kilos.

Payag ka bang ganito ang itsura ng manonood mo?

 
 Sabagay, kahit ano pa man ang maging epekto ng pagtutuon ng mga direktor sa paglalapat ng sandamakmak na mga elemento ng pagpapatawa, sa huli't-huli ay mahalaga pa rin na napasaya at nabigyang aliw ang mga manonood - makuha man nila ang mensahe ng dula o hindi.